Josko. Josmo. Josnatinglahat. Wag ka mag-alala, gusto ko lang sabihin yan pero hindi tungkol sa relihiyon ang gusto kong talakayin ngayon, halata naman siguro sa litratong nasa taas di ba? At sa totoo lang, yung huli kong blog tungkol sa relihiyon e medyo kontrobersyal na kaya di ko na muna susundan yun.
Pag-usapan na natin ngayon ang larawan sa itaas. Kung hindi niyo kilala yung lalakeng nasa gitna na naka-army like jacket e maghukay na kayo ng sarili niyong libingan. Pero syempre joke lang yun. Ang gusto ko lang naman talagang ipunto e kilala siya ng lahat kaya kung hindi mo siya kilala, ewan ko kung matatawag ka bang tao o Pilipino. Siya si Eleandre Basiño Buendia o mas kilala ng lahat bilang Ely Buendia. Isa siyang musikero, gitarero, bokalista at kung ano pang salita ang maiisip o maiibento ko para lang masaklaw ang husay niya pagdating sa musika. Sobrang hinahangaan ko siya simula sa katotohanang UP alumni siya (grabe, ni hindi ko tinangka kumuha ng entrance exam dun) hanggang sa punto na halos ibuwis niya ang buhay niya tuwing magpeperform siya dahil may problema siya sa puso. Sa kanya ko nakita na totoong may mas kaya kang mahalin kesa sa sarili mong buhay, at sa kaso niya yun ang musika.
Nagsimula ang kanyang alamat sa Eraserheads, nagpatuloy sa The Mongols at Pupil at ngayon ay patuloy pa ring nadadagdagan ng kabanata sa The Oktaves. Yung litrato sa taas, yan ang bandang The Oktaves, at kuha yan nung minsan kaming maligaw ng boyfriend ko sa Glorietta para bumili ng sapatos. Nakita niya yung poster at ang sabi sakin, “Si Ely yun di ba?”. Tiningnan ko naman at ang nasabi ko na lang “Shit! Si Ely nga! Nood tayo!”. At yun ang dahilan kung bakit biglaan kaming bumili ng ticket at nanood ng album launch nila. Habang nasa kalagitnaan ng performance, tumatak sakin ang sinabi ni Ely “Maraming Salamat sa pagpunta! Kayo ang bumubuhay ng OPM!”. Pakiramdam ko, may ginawa akong tama sa araw na yun dahil sa sinabi niya. Hindi ko naman na siguro kailangang sabihin kung gano kataas ang tingin ko kay Ely dahil sigurado ko kanina niyo pa nahulaan yun. Buti na lang at may kasamang photo session with the band yung ticket na binili namin, yun nga lang in groups of six. Kaya ayun, kahit di namin kilala yung ibang taong kasama namin sa litrato, ok na rin dahil kahit papano nakalapit ako sa idolo ko. Naiinis man ako dahil talaga namang saksakan ng suplado si Ely, ok lang din. Naiintindihan ko kung bakit siya ganun. At hindi yun dahil mataas na ang narating niya, kung yan man ang iniisip niyo.
Si Ely nung araw na yun ay isang panaginip na naranasan ko ng gising ako. Hanggang ngayon hindi ko pa rin maipalawanag gamit ang kahit anong salita ang naramdaman ko nung mga panahon na yun, na sa wakas napanood ko siya tumugtog sa entablado at nakita ko kung gano niya talaga kamahal ang musika. Nangangarap pa rin akong kahit saglit makausap ko siya sa hinaharap, ilang minuto lang ang kailangan ko para maitanong ko ang isang bagay na matagal ko ng gustong malaman tungkol sa kanya. Pero sa ngayon, hanggang pangarap lang muna yun. Malay niyo sa susunod naming balik sa Glorietta, yung ticket na bilin ko yung may backstage pass naman para mas makalapit sa kanya. Pero dahil wala namang sigurado sa buhay ng tao, masaya na ko na nakita ko siya, narinig ko siya tumugtog at nakalapit ako sa kanya.
Gamit ang lahat ng uri ng respeto at paghanga na umiiral sa mundong ito, Ely, salamat!