Nitong nagdaang Sabado at Linggo ay lumayo na naman ako sa probinsiyang kinalakihan ko. Zambales ang tinungo ko at ng mga kasama ko para ipagdiwang ang kaarawan ng isa naming kaibigan.
Mabigat ang loob ko sa pag-alis, palibhasa may pag-aalalang kinikimkim simula pa nung nagdaang gabi. Naayos din naman ang mga bagay bagay sa paglipas ng oras. Hindi namin ininda ang mainit na byahe papuntang Zambales. Walang freon ang aircon ng sasakyan namin kaya ang dakilang hangin ang sumagip sa amin mula sa init. Masaya naman kami kahit gutom na at palagiang kinukulit ng asong kasama namin. Pagdating namin sa Zambales, matinding ihawan ng ulam agad ang naganap. Hirap na hirap kami magpabaga, buti na lang to the rescue si kuyang nagtatrabaho sa resort at dinalan kami ng uling na may baga na. Nairaos na ang pagluluto ng barbeque at nagkainan na.
Pagkatapos kumain, deretso palit na ng damit dahil lilipat na kami ng isla. Pagkasakay ko sa bangka, ramdam ko na agad ang hilong hatid ng mga alon. Kumapit na lang ako sa posteng nasa gitna ng bangka at sinabi sa sariling “kaya ko to”. Nakaraos naman ako sa halos 45 minutong byahe sa bangka at sa wakas ay nakababa na sa unang islang aming pupuntahan, ang Anawangin Cove. Nakakabighani ang ganda ng lugar kaso panira ng view ang mga lalakeng nakatambay sa may lilim ng puno at panay ang sigaw ng “Miss, ang ganda mo naman! Kami na lang kunan mo ng litrato!”. Napailing na lang ako sabay lakad palayo. Camping site at snorkeling site ang Anawangin. Nag-ikot ikot lang kami at kumuha ng ilang litrato tapos ay sumakay na uli sa bangka at tumungo na sa kasunod na isla.
Capones island ang sunod naming pinuntahan, halos 30 minuto din ang layo mula sa Anawangin. Maganda ang buhangin sa dalampasigan ng islang ito kaya di na nakakapagtakang dito gustong mag-swimming ng mga tao. Humanap kami ng sarili naming pwesto na medyo nakakubli sa araw pagkatapos ay lumusong na sa tubig para ma-enjoy ang dagat. Ng masulit ko na ang ang tubig-alat, umahon na muna ko at iniwan ang mga kasama ko. Dala ang camera ko, nag-ikot muna ko sa isla. Nakita ko sa malayo na may nag-iisang taong naglalakad naman pabalik. Ng makasalubong ko siya, nalaman kong “fellow Nikon user” din siya. Ngumiti siya sakin sabay sabing “Marami kang makukuhanang magandang lugar sa banda dun. Di ko inexpect na photographer ka din, mas muka ka pa kasing modelo kesa taong kumukuha ng litrato”. Tumawa na lang ako, nagpasalamat at tumungo sa direksyong tinuro niya. Di naman siya nagkamali sa sinabi niya, masusulit ang camera mo sa dami ng pwedeng kuhanan. Kanya kanyang diskarte na lang kung pano mo palalabasin sa litrato ang ganda na nakikita ng mata mo. Ng matapos ako, binalikan ko na ang mga kasama ko at naabutan kong naghaharutan pa din sila sa may dalampasigan. Maya maya, sinundo na kami ni mamang bangkero. Palubog na raw ang araw at kailangan na namin puntahan ang huling isla sa aming listahan.
30 minuto na namang byahe sa bangka ang aming pinagdaanan bago marating ang huling isla. Di na kami nagswimming dito. Panay kuhanan na lang ng litrato habang naghihintay sa paglubog ng araw. Marami kaming nakasabay na turista na talaga namang kanya kanya ng gimik para makakuha ng magandang silhouette shot mula sa haring araw na unti unti ng nagkukubli mula sa aming paningin.
Matapos iyon, sakay na uli sa bangka upang simulan na ang byahe pabalik ng Pundaquit Beach. Pagdating sa hotel room, kumain na muna kami. Nag-aya pa magswimming ang birthday celebrant sa pool pagkatapos kumain pero tumanggi na ko at ganun din ang isang kasama namin. Sadyang di na ok ang pakiramdam ko, kaya dumeretso na ko sa banyo para maligo at pagkatapos ay humiga na sa kama.
Kinabukasan, nagbukas na ng regalo ang may kaarawan naming kaibigan. Nagustuhan naman niya lahat ng binigay namin sa kanya at pagkatapos ay nagyaya na siyang magluto ng agahan. Ala seis kami ng umaga nagsimulang magluto pero alas nuebe na kami nakakain. Sa nagbabagang uling lang kasi namin niluto ang lahat. Ng sa wakas ay makakain na, paliligo na sa dagat ang aming inatupag. Nagsipagligo na rin kami matapos ang halos dalawang oras at naghanda ng umalis.
Bandang ala una ng kami ay tumulak pabalik ng Bulacan. Mainit ang byahe kaya talaga namang sumakit ang ulo ko at nahilo ko. Idagdag pa ang phone kong nawalan ng baterya, kapag nga naman talagang minamalas ka. Pagdating ng Subic, nahuli pa ng pulis ang driver naming tumawid ng intersection sa maling linya. Tahimik na lang kami habang sinusulatan ni mamang pulis ang ticket na ibibigay niya samin. Pagkatapos ng insidenteng iyon, tuloy na uli ang byahe hanggang bumaba kami sa SM San Fernando para kumain muna. Nagulat ang lahat ng dumating ang boyfriend ng birthday celebrant na may bitbit na Red Ribbon Cake. Biglang hampas naman sakin ng isa naming kasama at sinabing “Ikaw kasi! Panay ang parinig mo ng cake sa Zambales!”. Natawa na lang ako ng maalala kong ako nga ang nagsabi nun. Ng busog na ang lahat, deretso na ang aming byahe pauwi.
Nakakapagod pero masaya ang naging pagbisita namin sa Zambales. At syempre di mapipigilan ang pagkantyaw sakin ng mga kaibigan ko kung saan ang sunod na destinasyon, ako na kasi ang susunod na magdiriwang ng kaarawan. Sabi ko na lang “Tingnan na lang natin kung ano ang mangyayari sa Enero abente uno”.