Akala mo ba tungkol sa bagong taon ang blog ko ngayong araw? Tipong kung ano ano ang mga pinagdaanan ko sa taong ito at kung ano ano ang mga babaguhin ko sa taong parating? Pasensya na pero bibiguin muna kita. Ang blog ko ngayon ay alay sa pinakamagagaling na musikero sa balat ng Pilipinas. Sinilang akong kinakanta ng madla ang kanilang bawat katha at lumaki akong kabisado ang himig at titik ng kanilang mga awit.
Sino sino sila?
Unahin na natin si Sir Francis Magalona na kilala ng nakararami bilang Kiko. Sino bang hindi nakakakilala sa kanya? Ang taong may tato ng araw at tatlong bitwin sa kanyang likod at ang taong nagsimula ng rap sa Pilipinas. Malalim ang pinaghuhugutan ng kanyang mga obra at kadalasang nasa linya ng pagkamakabayan. Sinisigurado niyang bitbit niya ang ating lahi sa kanyang mga balikat sa tuwing siya ay aawit. Isasabay ko na rin ang makabagong rapper ng Pinas na si Gloc 9. Sinasabi ng iba na siya raw ang pumalit kay Kiko sa pagmumulat ng mata ng mga Pilipino sa mga bagay na una, dapat nating ipagmalaki at pangalawa, dapat nating baguhin. Hindi sila nagkamali. Tunay ngang ang bawat letra ng kanyang mga likha ay di lamang makakapagmulat ng mata kundi makakapagbukas din ng isip at puso ng bawat taong alam ang Wikang Filipino.
Sino pa?
Siyempre mawawala ba naman ang Beatles ng Pilipinas? Ang imortal na bandang Eraserheads na binubuo nina Ely Buendia, Raimund Marasigan, Marcus Adoro at Buddy Zabala, na kahit ngayong magkakahiwalay na ay kilala pa rin ng lahat. At ang kanilang mga awit? Di lang basta kabisado ng mga Pilipino, ito’y dumadaloy sa ugat ng bawat taong isinilang sa arkipelagong ito, lalo na ang mga batang lumaki noong dekada nobenta tulad ko. Sila’y mga kalalakihan na nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas na matindi ang pagmamahal sa musika at may angking istilo sa paglikha nito. Ang mga titik ng kanilang mga awitin ay simple kung tutuusin pero may laman at may lalim. At marahil ay yun ang dahilan kung bakit naging malawakan ang kanilang impluwensiya sa ating magkakababayan.
Ang huli?
Ang parokya ng bayan, ang Parokya ni Edgar. Wag niyo sabihin saking hindi niyo pa narinig ang pangalang Chito Miranda, Buwi Meneses, Dar Semaña, Gab Chee Kee, Dindin Moreno at Vinci Montaner. Sila ang anim na gwapito na talaga namang dinig hanggang langit ang musika pag rumak en rol. Ang mga kanta nila’y di lang basta letrang pinag-sama sama sa paraang magandang bigkasin kundi ito’y mga kwento ng pangkaraniwang tao na sadyang pupukawin ang iyong pansin. Sila ang grupo na talagang kilala sa pagiging makulit at maloko pero pag oras na ng rakrakan, aba wag ka ng pumalag dahil pamatay ang kanilang talento. Ninakaw nila ang atensyon ng mga Pilipino gamit ang nakakabilib na kombinasyon ng angking tono at mga linyang ramdam hanggang buto.
Kaya naman sa mga taga-hanga nilang katulad ko, sabay sabay tayong sumaludo sa ating mga idolo!
At kung hinangaan niyo ang mga litratong ginamit ko. Punta kayo dito, http://vp021.deviantart.com/ Siya ang illustrator ng mga ito.
Sasamantalahin ko na rin ang pagkakataon para pasalamatan ang nobyo kong nagmulat ng mata ko sa mundo ng OPM at nagtanim ng binhi ng eheads, parokya, ni kiko at ni gloc sa puso’t isipan ko. Siya ang dahilan kung bakit iniidolo ko sila ngayon. Salamat ng marami!
Yun lamang at manigong bagong taon sa lahat!